Isa sa major visions ng programang KADIWA ang enhanced KADIWA BBM – Bigger, Better, More. Layunin nitong mapalaganap ang KADIWA centers sa bawat lungsod at munisipalidad ng Metro Manila gayundin sa bawat probinsiya ng bansa.
Sa pagkamit ng hangaring ito, tuloy-tuloy ang pakikipag-ugnayan ng mga opisyal at kawani ng DA sa iba’t ibang sektor para mas mapaunlad ang agrikultura bilang pagtupad sa pangako ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na walang Pilipinong magugutom.
Ngayong araw, February 28, 2024, nakipagpulong sina Consumer Affairs Asec. Genevieve E. Velicaria-Guevarra at AMAS Director Junibert De Sagun sa ilang opisyal ng isang kooperatiba sa Marikina City para sa isang potential venue ng KADIWA Center.
Promising ang naging pagpupulong at ayon sa mga opisyal, malaki ang potensiyal ng pasilidad na darayuhin at tatangkilikin ng mga mamimili mula sa mga karatig-lungsod tulad ng Quezon City, Antipolo, at San Mateo. Ang KADIWA Center ay inaasahang magbibigay hindi lamang ng serbisyong pang-agrikultura, kundi pati na rin ng mga oportunidad sa komersyo at pagpapaunlad ng lokal na ekonomiya.
Sa huli, sinabihan ni Asec. Guevarra ang mga opisyal ng kooperatiba na mag-submit ng written proposal para ma-formalize at maisulong pa ang kanilang pag-uusap.